Mga Tanong at Sagot Tungkol sa Pagpapauwi ng Namatay na OFW
Ilan sa ating mga kababayang OFW’s ang inaabot ng kanilang kamatayan dito sa Saudi Arabia at madalas, ang mga pamilya ng mga nasawi ay hinihiling ang madaliang pag pauwi ng mga labi nito.
Para sa kaalaman ng lahat, ang pagpauwi ng mga labi ng mga namatay na OFW’s ay katulad din ng pag-papauwi ng mga stranded OFW’s … kailangan din ang EXIT VISA.
Tunghayan ang mga sumusunod na tanong at kasagutan upang maunawaan ang paraan sa pagpapauwi ng mga labi ng namatay na OFW.
TANONG: Saan kumukuha ng Exit Visa para sa namatay na OFW?
Ang Exit Visa ay kinukuha sa Saudi Immigration Office. Itina-tatak ang exit visa sa passport ng namatay na OFW.
TANONG: Anu-ano ang mga kailangang papeles para makakuha ng Exit Visa?
Kailangang mayroong sulat mula sa pulis (endorsement letter) na karapat-dapat bigyan ng exit visa ang OFW. Gayundin, ang sulat mula sa pulis ay magpapapatunay na ang employer o sponsor ng nasawing OFW ay natugunan nang lahat ng mga patakaran ng Saudi Arabia sa pag-papauwi ng namatay na manggagawa.
TANONG: May kailangan bang papeles para makakuha ng sulat o endorsement letter mula sa Pulis?
Oo. Ang employer o sponsor ng namatay na OFW ay nararapat kumuha ng mga sumusunod na dokumento sa tamang opisina bago siya makakuha ng clearance para maipauwi ang labi ng OFW:
Required Documents:
1)Medical Report
Concerned Agency: Ospital kung saan namatay o dinala ang mga labi ng OFW.
Conditions of Issuance: Dapat bayad lahat ang hospital bills ng nasawi.
2)Death Certificate on the date the worker passed away.
Concerned Agency: Ministry of Interior, Directorate General of Civil Affairs.
Conditions of Issuance: Copy of the Medical Report
3)Police Report on Cause of Death
Concerned Agency: Ministry of Interior, Public Section
Conditions of Issuance: Copy of the Medical Report and Death Certificate
4)Statement and Clearance of Payment of Benefits
Concerned Agency: Saudi Labor Office (Ang ahensya ng gobyerno na siyang sumisiguro na tama at sapat ang matatanggap na benepisyo ng namatay na OFW.
Conditions of Issuance: Dapat maibigay sa Saudi Labor Office o sa tagapagmana ang kaukulang halaga ng benepisyo ng namatay na OFW.
5) No objection Certificate (NOC) on the shipment of remains
Concerned Agency: Issuance of NOC from Philippine Embassy.
Conditions of Issuance: Dapat magbigay ang pamilya ng OFW ng Acceptance Letter na tatanggapin nila ang mga labi ng nasawing OFW.
6)Blood Money o Diya Clearance (kung ang OFW ay namatay sa isang aksidente o biktima ng krimen).
Concerned Agency: Pulisya na humahawak sa imbestigasyon ng kaso.
Conditions of Issuance: Dapat ay makumpleto muna ng pulisya ang imbestigasyon sa pagkamatay ng OFW at matiyak kung sino ang dapat magbigay ng diya o blood money.
TANONG: Sapat na ba ang pagkakaroon ng Exit Visa para mapauwi kaagad ang mga labi ng namatay na OFW?
Hindi. Maliban sa exit visa, kailangan pang kumuha ng clearance mula sa morgue, Customs Office at Cargo Office bago tuluyang mapauwi ang mga labi ng namatay na OFW.
TANONG: Sino ang dapat maglakad ng mga kinakailangan papeles para mapadali ang pagpapauwi ng mga labi ng namatay na OFW?
Tanging ang employer o sponsor ng nasawing OFW ang siyang dapat maglakad ng mga papeles para agad na mapauwi ang mga labi ng namatay na OFW.
TANONG: Mayroon bang kaukulang halaga na kailangang bayaran sa pag-papauwi ng mga labi ng namatay na OFW? Sino ang dapat magbayad?
Oo. Humigit kumulang sa US$2,500.00 ang halagang dapat bayaran sa pagpauwi sa mga labi ng namatay na OFW. Ito ay dapat sagutin ng employer o sponsor ng OFW.
TANONG: Anu-ano ang mga kadalasang dahilan ng pagkabalam ng pag-papauwi sa labi ng mga namatay na OFW’s?
Narito ang mga kadalasang dahilan sa pagkabalam sa pag-papauwi ng mga labi ng mga namatay na OFW’s.
DAHILAN:
1)Ang kawalan ng kooperasyon ng employer o sponsor ng OFW.
Resulta: Walang maglalakad ng mga kailangang papeles para sa pag-papauwi ng namatay na OFW.
2)Ang hindi agad pagbabayad ng employer o sponsor ng kaukulang halaga sa benepisyo ng OFW sa Saudi Labor Office.
Resulta: Ang hindi pagbabayad ay nangangahulugan ng hindi pagbibigay ng Saudi Labor Office Clearance.
3) Ang mabagal na pagbibigay ng pamilya ng OFW ng sulat (Acceptance Letter) na nagsasaad kung sino ang tatanggap ng labi ng OFW sa pagdating sa Pilipinas.
Resulta: Hindi alam ng Cargo Office kung kanino ipapadala ang mga labi ng namatay na OFW.
4)Ang hindi pagbabayad ng Employer o sponsor sa hospital bills ng nasawing OFW.
Resulta: Hindi makakuha ng medical report na kailangan din sa pagkuha ng Exit Visa.
5)Ang matagal na paghihintay mula sa pulis na masiguro kung sino ang magbabayad ng blood money kung ang OFW ay biktima nang isang aksidente o krimen.
Resulta: Hindi nagbibigay ang pulis ng blood money clearance, isa sa mga kailangang papeles sa pagkuha ng exit visa kung ang nasawi ay biktima ng aksidente o krimen.
6)Ang hindi agad paglilipat sa iba ng rehistro ng sasakyan na namatay na OFW.
Resulta: Hindi magbibigay ang Immigration Office ng Exit Visa hanggat hindi naililipat sa iba ang rehistro ng sasakyan ng namatay na OFW.








SocialVibe